ano ang kapangyarihan ng wika

Sagot :

Conrado de QuirosHanggang ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit kinakausap natin ang ating mga aso sa wikang Ingles. Wala kang naririnig na nagsasabing, Upo, Bantay, upo, o Habol, Kidlat, habol. Ang maririnig mo ay Sit, Rover, sit, o Fetch, Fido, fetch. O kung poodle, Fifi. Kung sa bagay tayo mang mga taong Filipino ay may mga pangalang Rover, Fido, at Fifi, kaya hindi nakapagtatakang pangalanan din natin ang ating mga aso ng ganoon.  Ang nakapagtataka ay kung bakit kinakausap natin sila sa Ingles. Ibig sabihin, kakaiba ba ang korte ng kanilang mga utak at natural silang sumusunod sa mga utos sa Ingles? Ang tinig ba ng Ingles ay hawig sa mga tunog na ginagawang silent dog whistle? Ipauubaya ko sa mga dalubhasa sa sikolohiya ng hayop ang pagpapaliwanag nito. Pero may punto rito. At ang punto ay ito: marami at sari-sari ang gamit ng wika; hindi lamang bilang isang paraan ng komunikasyon ng dalawang tao. Sa tingin ko, lubos na simplistiko ang paniniwalang ang wika ay isa lamang kasangkapan sa komunikasyon. Sa tingin ko, lubos na simplistiko ang paniniwalang ang tanging papel na ginagampanan ng wika sa lipunan ay ang pagbibigay-daan sa palitan ng mga idea ng mga tao sa lipunang iyon. Totoong ang isang wika ay isa ring paraan o kasangkapan sa komunikasyon. At bagamat isang bahagi lamang ito ng kabuuan ng wika ay malaking bahagi ito. Sa bagay na ito, malaki ang halaga ng Ingles bilang isang paraan ng komunikasyon. May punto ang mga nagsasabi sa atin na hindi natin maaaring kaligtaan ang Ingles. Talaga namang hindi. Ang Ingles ay ang ating susio sabi nga ng mga bata, ang ating connectsa mundo. Ito ang ating susi sa pandaigdigang impormsyon. Lalong-lalo na sa panahong ito na masasaksihan natin ang isang information explosion na likha ng computers. Malamang ay narinig na ninyo ang Internet, ang pandaigdigang electronic board para sa lahat ng uri ng impormasyon. Sa pamamagitan ng Internet ay maaari nating ma-access pati na ang US Library of Congress at mag-research doon. Maaari din tayong makapanood ng sine o retratong bomba. Walang MTRCB sa Internet. Pero kailangan pa rin ang Ingles para mapakinabangan ang mga biyayang ito. Bagamat ang computer programs ay nagiging mas graphic na kaysa word-basedgumagamit ng icons kaysa salitakailangan pa ring magbasa kahit katiting. At ang iskrip ay sa Ingles. Bukas ang information highway sa anumang uri ng sasakyan, kahit kariton, pero nakasulat sa Ingles ang mga signs sa kalye. Pag hindi tayo marunong mag-Ingles, mawawala tayo sa kalye. At talaga namang pagkalalawak ng mga kalye rito.Pero huwag nang isipin ang Internet; isipin na lang ang simpleng paglalakbay. Kailangan pa rin ang Inglesmaliban na lang kung sa Pilipinas ka lang maglalakbay. At kung tutuusin, hindi bale na rin ang mundoo ang pisikal na paglalakbay sa mundo na maaaring magawa ng iilang Filipino lamang. Isipin na lang ang paglalakbay ng isip na magagawa sa pagbabasa, panonood ng sine, pakikinig ng balita. Kailangan pa rin ang Inglesliban na lang kung ang papanoorin lang ay mga sine ni Silvester Stallone.Walang duda na kailangan natin ng Ingles. Walang duda na mahalaga ang Ingles. Subalit, dito man ay marami nang mga maling akala tungkol sa kahalagahan ng Ingles. Isa sa mga maling akalang ito ay ang paniniwalang ang Ingles ay ang susi sa kaunlarang pang-ekonomiya. Ito ang paboritong argumento ng mga nagtataguyod ng Philippines 2000. Pinabubulaanan ito ng Thailand . Mahirap kumilos sa Bangkok hindi lamang dahil sa ang sulat dito ay sulat-bulate, ayon nga sa isang kaibigan, kundi dahil iilan lamang ang marunong mag-Ingles. Iba pa kung paano nila bigkasin ang Ingles, na talaga namang papawisan ka ng dugo bago mo maintindihan. Kahit na hotel clerks ay hindi makapag-Ingles ng diretso. Ang pinakamadaling paraan para makapagtalastasan sa taxi driver at tindero ay sign language.