Laganap ang malnutrisyon at gutom sa mga mahihirap na Pilipino. Dahil sa kawalan ng trabaho, walang pambili ng masusustansyang pagkain o di kaya ay nagtitiis sa mga mumurahing pantawid-gutom tulad ng instant noodles, kanin na may ulam na asin o toyo. Isa ring dahilan sa gutom ay ang kalamidad na nararanasan ng bansa tulad ng mga bagyo at habagat na sumisira sa mga kabuhayan at kabahayan ng mga taong apektado. Kadalasan ang mga nasalanta ay walang mapagkunan ng masustansyang pagkain at umaasa sa mga donasyong bigas at delata. Ang kakulangan sa sustansya ay nagdudulot ng panghihina at pagkakasakit ng mga tao.