Answer:
Artikulo 1
Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan. Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng pagkakapatiran.
Artikulo 2
Ang bawat tao'y karapat-dapat sa lahat ng karapatan at kalayaang nakalahad sa Pahayag na ito, nang walang ano mang uri ng pagtatangi, gaya ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, kuro-kurong pampulitika o iba pa, pinagmulang bansa o lipunan, ari-arian, kapanganakan o iba pang katayuan.
Bukod dito, walang pagtatanging gagawin batay sa katayuang pampulitika, hurisdiksiyunal o pandaigdig na kalagayan ng bansa o teritoryong kinabibilangan ng isang tao, maging ito ay nagsasarili, itinitiwala, di-nakapamamahala sa sarili o nasa ilalim ng ano mang katakdaan ng soberanya.
Artikulo 3
Ang bawat tao'y may karapatan sa buhay, kalayaan at kapanatagan ng sarili.
Artikulo 4
Walang sino mang aalipinin o bubusabusin; ipagbabawal ang ano mang anyo ng pang-aalipin at ang pangangalakal ng alipin.
Artikulo 5
Walang sino mang pahihirapan o lalapatan ng malupit,di-makatao o nakalalait na pakikitungo sa parusa.