Noon ay may dalawang gamugamo, isang munting gamugamo at
isang malaking gamugamo. Kagaya ng lahat ng gamugamo, naaakit sila
sa liwanag kaya madalas silang lumalapit sa pinakamaliwanag na ilaw
na kanilang makita.
“Kay ganda ng apoy ng kandila,” sabi ng munting gamugamo.
“Mag-ingat ka, munting gamugamo,” paalala ng malaking gamugamo.
“Maganda ang apoy ng kandila subalit ito rin ay mapanlinlang. Kung
mapadikit ka sa apoy, baka matupok ang pakpak mo at hindi ka na
makalipad.”
“Hindi po ako natatakot,” sagot ng gamugamo. Hindi niya
inalintana ang babala ng malaking gamugamo. Lalo pa siyang lumapit
sa apoy ng kandila upang doon maglaro. “Kay sarap ng pakiramdam
kapag naglalaro ako malapit sa apoy ng kandila! Kay liwanag at kay init!
Ngunit, bigla siyang napadikit sa ningas ng kandila, at nalaglag
siya sa mesa.
“Sinabi ko na sa iyo, munting gamugamo,” malungkot na sabi ng
malaking gamugamo. “Ngayon ay hindi ka na makalilipad muli.”
Pinagkunan: Alab Filipino, Aklat sa Filipino 5, pahina 63
10
I. Panuto: Piliin ang titik ng tamang sagot.
1. Sino sa dalawang gamugamo ang mahilig maglaro sa ningas?
a. Unang gamugamo c. Munting gamugamo
b. Ikalawang gamugamu d. Malaking gamugamo
2. Saan naaakit ang mga gamugamo?
a. abo c. liwanag
b. dilim d. usok
3. Ano ang paalala ng malaking gamugamo sa maliit na gamugamo?
a. Lumapit sa apoy. c. Huwag lumapit sa apoy.
b. Huwag umalis sa apoy. d. Maglaro sa apoy.
4. Alin sa sumusunod ang nagpapatunay na hindi nakinig ang maliit na
gamugamo sa paalala ng malaking gamugamo?
a. Masayang nakaligtas sa apoy ang maliit na gamugamo.
b. Malungkot na lumipad papalayo ang maliit na gamugamo.
c. Hindi natakot ang munting gamugamo na lumapit pa sa apoy.
d. Biglang nahulog ang gamugamo at hindi na ito kailanman
makalilipad.
5. Anong aral ang dala ng kuwento?
a. Huwag magsindi ng kandila.
b. Walang pakinabang ang apoy sa buhay ng tao.
c. Napakahalagang makinig at sumunod sa mga paalala ng mga
magulang at nakatatanda.
d. Pakinggan lang ang payo ng mga magulang at nakatatanda kung
ito ay nagustuhan mo.