Answer:
1.Inaabangan ko doon sa Kanluran,
Ang huling silahis ng katag-arawan,
Iginuguhit ko ang iyong pangalan,
Sa pinong buhangin ng dalampasigan.
2.Aking dinarama sa hanging habagat,
Mga alaala ng halik mo’t yakap,
Sa bahaw na simoy ng pagkakasangkap,
Ay nagdaang samyo ng iyong paglingap.
3.Ginugunam-gunam, sinasaklit-anyo,
Ang iyong larawan at mga pagsuyo,
Ang lungkot ng diwa’t dibdib pati puso,
Sa kutim na ulap nakikisiphayo!
4.Sa pag-aagawan ng araw at buwan,
At pagkapanalo nitong kadiliman
Ay nakikibaka ang kapighatian,
Sa pangungulila sa iyong pagpanaw.
5.Ang iyong pag-iral, hindi na babalik,
Kahit na ako’y lubos na tumangis
Pag-ibig na lamang na igting na nais
Ang makakapiling sa huling silahis.