Answer:
Trinidad Tecson (18 Nobyembre 1848-28 Enero 1928)
Si Trinidad Perez Tecson ay kilala bilang “Ina ng Biyak-na-Bato.” Isa siya sa iilang kababaihan na humawak ng armas at nakipaglaban kasama ng mga kalalakihan sa rebolusyon. Binansagan din siyang ina ng Red Cross sa Filipinas para sa kaniyang paglilingkod sa mga kasamang Katipunero.
Isinilang siya noong 18 Nobyembre 1848 sa isang mariwasang angkan sa San Miguel de Mayumo, Bulacan. Mga magulang niya sina Rafael Tecson at Monica S. Perez. Bukod sa maganda, hinangaan siya ng kalalakihan sa tapang at paghawak ng sandata. Nag-aral siya ng eskrima at sinasabing minsang pasukin ang kaniyang bahay ng mga guwardiya sibil para mag- inspeksiyon ay nilabanan niya ang mga ito. Ilan sa mga sundalo ang kaniyang nasugatan at nahabla siya. Labinsiyam na taong gulang siya nang mapangasawa ni Sinforoso Desiderio. Hindi nagtagal ang buhay ng kaniyang unang asawa pati ang kanilang dalawang anak.