Sagot :
Answer:
1. Panatilihin ang kalinisan.
Ang pagpapanatili ng kalinisan ang pinakasimple at pangunahing kaalaman sa pagpapanatiling ligtas ng mga pagkain. Mula sa pagsisigurong malinis ang mga kamay bago humawak sa pagkain hanggang sa pagtiyak na malinis ang mga kasangkapan na gagamitin sa preparasyon ng pagkain ay hindi dapat makaligtaan. Dapat ding isaalang-alang ang kalinisan ng lugar kung saan itoisinasagawa ang preparasyon. Dahil dito, maiiwasan ang posibleng kontaminasyon ng dumi, mga kemikal, bacteria at mga virus, at iba pang mga bagay na maaaring makasama sa kalusugan.
2. Paghiwalayin ang mga hilaw at lutong pagkain.
Simple lang din at madaling intindihin ang pagpapanatiling nakahiwalay ng mga pagkaing luto na at mga pagkain hilaw pa. Sa paraang ito, maiiwasan din ang kontaminasyon mula sa mga hilaw na pagkain papunta sa lutong pagkain na atin nang kakainin. Alalahanin na ang mga hilaw na pagkain ay posibleng mayroon pa ring mga mikrobyo na maaaring makasama sa ating kalusugan.
3. Tiyaking naluto ng husto ang mga pagkain
Ang mga hilaw na pagkain ay mayroong mga mikrobyo na hindi basta-basta maaalis at tanging ang pagluto nang husto sa pagkain ang makaaalis sa mga mikrobyong ito. Ito ay lalong-lalo na sa mga karne na maaaring nakasiksik sa loob ang mga mikrobyo. Para naman sa mga pagkain na hindi na nangangailangan ng pagluluto, tiyakin lamang na ang mga ito ay nahugasan ng husto.
4. Itago ang mga pagkain sa mga ligtas na lugar
Ang wastong pag-iimbak ng mga pagkain ang isa rin sa mga pangunahing dapat isinasaalang-alang sa pagpapanatiling ligtas ng mga pagkain. Alalahanin na ang mga mikrobyo ay mabilis na dumadami sa mga lugar na mamasamasa at mainit, kung kaya, dapat ay panatilihing malinis, tuyo at may mababang temperatura ang imbakan ng pagkain. Sa ganitong paraan maiiwasan ang mabilis na pagkasira at pagdami ng mga mikrobyo sa pagkain na siyang banta sa ating kalusugan.
Refrigerator ang mainam na imbakan ng pagkain. Ang mga gulay at prutas ay mapapanatiling sariwa sa loob nito, habang ang mga karne at isda naman ay hindi mabilis masisira kung maiimbak sa malamig na freezer. Ang mga natirang lutong pagkain o left overs naman ay itago rin sa refrigerator ngunit nakahiwalay dapat sa mga hilaw na pagkain.
5. Tiyaking ligtas ang gagamiting tubig at mga sangkap na gagamitin sa pagluluto.
Balewala ang mga naunang hakbang kung ang tubig na gagamitin sa pagluluto, pati na ang mga sangkap na ilalahok sa pagkain ay hindi ligtas. Huwag hahayaang makontamina ng mga mikrobyo ang tubig, at tiyakin naman na sariwa at nasa maayos pang kondisyon ang mga sangkap na gagamitin sa pagluluto. Huwag basta-basta sasalok ng tubig sa balon o sa ilog na gagamitin sa pagluluto lalo na kung may napapabalitang kaso ng mga sakit sa lugar. Ang mga gulay at prutas naman ay siguraduhing sariwa, hindi ginamitan ng mga nakalalasong kemikal na pampatay sa peste, at ang mga karne ay tiyaking hindi bocha o double dead meat.