Ang Kaharian ng Espanya[8] (Kastila: Reino de España) ay isang soberanyang estado o bansang matatagpuan sa Tangway ng Iberya sa timog-kanlurang Europa. Ang pangunahing lupain ay hinahangganan sa timog at silangan ng Dagat Mediteraneo maliban na lamang sa maliit na mga hangganang lupa ng Gibraltar; sa hilaga at hilangang-silangan, ng Pransiya, ng maliit na prinsipado ng Andorra, at ng Look ng Vizcaya; at sa kanluran at hilagang-kanluran naman, ng Portugal at ng Karagatang Atlantiko. Kasama ng Pransiya at Maruekos, isa lamang sila sa tatlong bansa na may baybaying Atlantiko at Mediteraneo. Ang 1,214 km (754 mi) na hangganan ng Espanya sa Portugal ay ang pinakamahabang tuluy-tuloy na hangganan sa buong Unyong Europeo.