Tuwing papasok si Mark sa paaralan, nakadarama siya ng katamaran, kalungkutan at tila ba laging lutang ang kanyang isipan. Galing siya sa isang mayaman at maimpluwensyang pamilya ngunit walang mababakas na kasiyahan sa kanyang labi at mga mata. Unang araw ng eskwela, napuna agad ng gurong tagapayo na si Bb. Lyn ang batang si Mark. Dama niya na may pinagdaraanan ang mag-aaral. Malimit na nadadala sa guidance office si Mark. Palibhasa'y natutulog sa klase, hindi nagpapasa ng proyekto at hindi gumagawa ng takdang-aralin. Sa paulit-ulit na gawaing ito, nawawalan na ng pag-asa ang mga guro na magbabago pa ang mag-aaral. Ngunit may isang taong hindi sumusuko, si Bb. Lyn. Humingi siya ng payo sa mga kasamahan higit lalo sa kanilang guidance counselor. "Hiwalay ang mga magulang ni Mark at ang kanyang lolo lamang ang madalas niyang kasama. Naikuwento rin niya na minsan lang umuwi ang kanyang ama," salaysay ni Gng. Ellen. Sa lahat ng ito, naintindihan na ng guro ang sitwasyon ni Mark. Ilang araw na kinuha ng guro ang loob ng bata at kung minsan ay binibiro pa niya ito. Walang uwian ang hindi sila nagkakausap dahil sa pagtulong nito sa paglilinis ng silid- aralan dahil madalas na nahuhuli ang kanyang sundo. Araw-araw nang pumapasok ang bata na mabango at malinis ang kuko sa kamay at paa. Natuto na siyang ngumiti saka makipagkaibigan sa kanyang mga kaklase. Samantala, nagsikap na rin siya sa pag-aaral at nagkaroon na ng laman ang kard niya na noong una'y puro blangko. Walang pagsidlan ang tuwang naramdaman ng guro nang makita niya ang isang bulaklak at mabasa niya ang nakasulat sa papel sa ibabaw ng kanyang mesa. "Ipinadama at ipinaunawa n'yo po sa akin ang tunay na kahulugan ng buhay. Ang pag-aaral pala ay hindi lamang puro sa leksyon na dapat isaulo ito rin pala ay tungkol sa pagpapahalaga at pagmamahal sa mga taong nakapaligid sa iyo. Salamat po Bb. Lyn sa pagtitiyaga at pagtitiwala sa akin. Masasabi ko pong nagkaroon na ng patutunguhan at li- wanag ang aking buhay. Naipakita n'yo po sa akin ang tunay na kahulugan ng pagiging guro." Agad na tumulo ang luha ng guro sa kanyang nabasa