Kahanga – hangang Biyaya ng Langit
Napakabuti ng Maylikha! Pinagkalooban Niya ang daigdig ng biyayang Paraiso sa ibabaw ng lupa. Simbolo ang mga ito ng Kanyang kaluwalhatiang nais maipadam sa Kanyang mga nilikha. Samantalang ang mga tao’y naatasang pangalagaan ang mga ito para mapagkunan ng kabuhayan at panatilihin upang patuloy na makapagdulot ng likas na yaman. Kayganda ng ating paligid! Patunay nito ang lagi nang pag-alam sa mga natatanging lugar at tanawin sa buong mundo, ang 7 Natural Wonders of the World.
Taong 2011-2012 nang ipinabatid sa buong daigdig ang mga napabilang sa piniling tanawin. Nagbigay karangalan ito sa bawat bansa dahil sa prestihiyosong parangal na laan para rito. Animo’y iginuhit itong perpekto dahil sa kahanga – hanga nitong ganda.
Kabilang sa 7 Naturals Wonders of the World ang Amazon Rainforest. Ang napakalawak na kagubatang ito’y matatagpuan sa loob ng siyam na nasyon; Bolivia, Brazil, Columbia, Ecuador, French Guiana, Peru, Suriname, at Venezuela. Matatagpuan dito ang pinakamalawak na Amazon River.
Ang Halong Bay naman ay matatagpuan sa Quang Ninh Vietnam. Binubuo ito ng iba’t ibang isla na may iba’t ibang laki at hugis. Libo – libo ring mga batong may iba-ibang anyo dulot ng erosion ang makikita rito. Marami sa mga isla ang may mga guwang at mga daang papasok sa kuweba.
Makikita naman ang Iguazu Falls sa pagitan ng hangganan ng Argentine Missiones at ng Brazilian State of Paran. May taas itong 82 metro. Ang pinakamalaking atraksiyon nito ay ang Garganta del Diablo o ang Devil’s Throat kung saan ang tunog na likha ng lagaslas ng tubig ang dinig nang ilang milya.

Isa namang mabulkang isla ang Jeju Island. Matatagpuan ito sa Katimugan ng Korea. Natatangi rito ang Hallasan na pinakamataas na bundok at tahimik na bulkan na may taas na 1,950 metro mula sa ibabaw ng tubig.
Sa may National Park ng Indonesia matatagpuan ang Komodo Island. Isa ito sa tatlong pangunahing isla na bumubuo sa National Park. Ang dalawa pa nito ay ang Rinca at Padar samantalang napapalibutan din ng maliliit na isla.
Ang Puerto Princesa Subterranean River Park ay kabilang sa natatanging tanawin sa buong mundo. Matatagpuan ito sa bulubundukin ng Saint Paul, 50 kilometro sa Hilaga ng Lungsod Puerto Princesa sa Palawan. Kamangha-mangha ang tanawin ng baybayin dito. May kabuuang 5, 750 ektarya ng lupang sumasaklaw sa lupain nito bukod pa sa 290 bahaging dagat na nag-iingat ng coral reef. Itinuturing itong pangalawa sa pinakamahabang underground river sa daigdig.
Ang Table Mountain sa South Africa ay nasa hanay ng malaparaisong tanawin sa mundo. Ang lawak nito’y may sukat na 578 sq km. Tinatayang 3 kilometro ang haba ng talampas nito. Si Antonio de Saldanha, ang unang Europeo na umakyat sa Table Bay. Pinangalanan niya itong Taboa de Cablo.
Lubos na pinatunayan ng mga likas na tanawing ito ang yamang handog ng Maylikha. Biyaya ito ng langit sa mga tao na dapat pangalagaan.

A. Pag-uugnay ng mga salita. Piliin sa hanay B kung saang tanawin matatagpuan ang mga salitang nasa Hanay A. Isulat ang titik sa patlang.
A B
____ 1. coral reef A. Halong Bay
____ 2. Hallasan B. Amazon Rainforest
____ 3. maliit na isla C. Iguazu Falls
____ 4. kagubatan D. Jeju island
____ 5. Devil’s Throat E. Komodo Island
____ 6. talampas F. Puerto Princesa
____ 7. kuweba G. Table Mountain
____8. Halong Bay H. Vietnam
B. Unawain ang binasang teksto at sagutin ang mga sumusunod.
1. Ano ang paksa ng tektso? ________________________
2. Anoa no ang natatanging mga lugar sa mundo batay sa binasa? _________
3. Tama bang sabihin ang mga ito’y biyaya ng langit? Bakit? _______________
4. Isa sa napabilang sa 7 Natural Wonders of the World ay matatagpuan sa Pilipinas. Ano ang nararamdaman mo rito bilang isang Pilipino? Bakit? _______
5. Bukod sa Puerto Princesa Subterranean River, anong lugar pa kaya sa bansa ang maituturing na natatangi at kahanga-hanga? Ilarawan ito. ______________