Sagot :
Answer:
MAYNILA - Naniniwala ang isang grupo na hindi ligtas sa kalusugan ang inilagay na artificial white sand sa Manila Bay.
Sa pag-aaral ng grupong Infrawatch Philippines, sinabing ang dinurog na dolomite rock ay nagdudulot ng iritasyon sa mata, mga sakit sa baga at maging cancer.
Dinurog na dolomite rock ang ginamit bilang artificial white sand sa Manila Bay, na bahagi ng P389 milyon na beach nourishment project, ayon sa Department of Environment and Natural Resources.
Pero pinabulaanan ni Environment Undersecretary Benny Antiporda ang pahayag ng grupo.
"Napag-aralan ito na... wala siya hazard, lalo naman sa health," ani Antiporda.
Pagtatambak ng synthetic white sand sa Manila Bay inulan ng batikos
Para naman kay Carlo Arcilla, dating hepe ng National Institute of Geological Sciences, mas mainam na gamitin na lang ang dolomite sa mga sakahang lupa.
"Mas maganda pang ginamit 'yan doon sa agricultural lands na kailangang i-improve 'yong fertilization," ani Arcilla, isang geology professor sa University of the Philippines.
"Kung gusto nilang puti lang, puwede ka namang kumuha ng limestone... definitely mas mura ang limestone kaysa sa dolomite," dagdag niya.
Suportado ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang paglalagay ng white sand sa Manila Bay.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, tutulong silang mapanatiling malinis ang Manila Bay sa kabila ng mga agam-agam na aanurin o madudumihan din ang puting buhangin.
"We will try in our own little way to be more efficient in cleaning up our estero," ani Moreno.
"Kami rin, bilang lokal na pamahalaan, we will do our part," aniya.
Sa isang pahayag, sinabi rin ni Sen. Panfilo Lacson na maganda ang proyekto, at malamang ay ginawan naman ito ng tamang pag-aaral at konsultasyon ng mga eksperto ng DENR.