Ang pagkakaisa ay ang paggawa kasama ang kapuwa para sa ikabubuti ng
lahat. Sa anomang gawain ng grupo, nangangailangan na gawin ng bawat isa
ang kaniyang bahagi nang may katapatan. Sa ating pagtupad sa tungkulin na
ipinagkatiwala sa atin ay mahalaga na magtulungan tayo upang ang gawain o
proyekto ay maisakatuparan nang mas mabilis at higit na mahusay.
Ang pagkakaisa ay naipakikita sa maayos na pakikipagkapuwa tao. Sa ating
pakikipagkapuwa ay lagi nating isaisip ang tamang paraan ng pakikisalamuha at
ang tumpak na pagkilos at pagsasalita. Kailangan din natin na magpahalaga sa
mga nagagawa at naitutulong ng iba at higit sa lahat, ang paggalang sa kanilang
opinyon at mga mungkahi ay dapat na isaalang-alang.
Ang pakikipagkaisa ay hindi nangangahulugan na tayo ay katulad ng iba.
Nangangahulugan ito na nauunawaan natin ang bawat isa. Ang pagkakaisa ay
hindi lamang palaging pagsasama-sama at pagkakapit-kamay para sa isang
pagbabago. Ito ay ang pag-uusap-usap at pagtatanong sa sarili at sa bawat isa,
“Ano pa ang magagawa natin upang matupad ang ating layunin?”
Ang kapayapaan ay isa sa mga minimithing makamit ng sangkatauhan.
Nangangailangan ito ng pagkakaisa. Ang pagkakaisa ay nag-aatas naman
na tayo ay umusad o kumilos, gumawa at tuparin ang gawaing nakaatang sa
atin. Ano ang mangyayari kung hindi natin gagawin ang tungkuling iniatas sa
atin? Ang bigat ng gawaing ibinigay sa atin ay mararamdaman ng grupo sa
dahilang kailangan din nilang gawin pati ang ating tungkulin. Minsan naman,
ang proyekto ay hindi magawa dahil sa ating kapabayaan. Kung talagang
nais nating magtagumpay na matapos ang ating proyekto, kailangan nating
magsikap, makiisa, at magsaya sa paggawa kasama ang iba.
Tagapagdala ng Kapayapaan
Ako’y tagapagdala ng kapayapaan
Sa lahat ng aking pinupuntahan,
Pagtulong sa kapuwa’y di nag-aalinlangan
Magbigay katarungan sadyang kailangan.
Paggalang sa lahat ay aking ginagawa
Pagiging bukas-loob at matapat sa kapuwa,
Ating gawin at dalhin mga kasama
Misyong bigay ng Dios ating isagawa.
Ang tagapamayapa ay kumikilala, gumagalang, nagtataguyod, at
nagtatanggol sa karapatan ng lahat ng tao. Ang malasakit at paggalang sa
karapatan ng bawat isa ay nakatutulong upang mapahalagahan ang ating
dangal. Inaasam natin na makaranas ng maganda at masayang buhay sa halip
na mamuhay nang maligalig at puno ng suliranin.
Sikapin natin na maging tagapagdala ng kapayapaan saanman tayo
magtungo. Palagi nating alalahanin ang sinasabi ng Beatitude, “Mapapalad
ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga
anak ng Dios.”
Ang pagbibigay o pamamahagi ng mahahalagang bagay na iyong pagaari upang makatulong sa kapuwa ay tanda ng pagmamalasakit sa kapuwa. Naipakikita natin na tayo ay may paglingap at malasakit sa mga taong nangangailangan ng tulong. Kailangan din natin na maging mapagpasensiya at mapagbigay kahit sa mga taong sa palagay natin ay naiiba sa atin. Ang malasakit ay nagtutulak o nagtuturo sa atin na maging mapagkalinga upang magkaroon ng magandang relasyon sa ibang tao. Natututo tayong magpakita ng pagtanggap, mahusay na pakikisama at pagtingin sa kapuwa. Higit sa lahat ay nakauunawa at nagmamalasakit tayo sa mga nangangailangan. Makatutulong tayo sa ating bansa kung saan marami sa ating kapuwa Pilipino ay naghihirap at nagdurusa. Halina, maging magandang halimbawa tayo at maging larawan ng pagmamahal at pag-aaruga para sa mga taong higit na nangangailangan.