Tuklasin
Panuto: Basahin ang kuwento. Pagkatapos ay sagutin ang mga kasunod na mga tanong. Gawin ito sa sagutang papel.
Isang Pagkamulat
Kring, Kring, Kring…
Nagsimula nang pumasok sa silid-aralan ni Bb. Fe Evangelista ang kaniyang mga mag-aaral. Masaya ang mga bata sa kanilang pag-aaral kasama ang guro. Sa pagtatapos ng klase, napansin ni Bb. Evangelista ang mga bagay sa puwesto ni Arvin. Makikita ang kulumpon ng mga nilamukos na papel sa sahig, balat ng kendi sa ilalim ng upuan, at ang kaniyang upuan na wala sa tamang puwesto. Sa pagpasok niya sa banyo ng silid-aralan tumambad sa kaniya ang puting tiles nito na nakukulapulan ng putik. Sa pagtingin niya sa paligid ng munting silid na iyon, nakita niya na nakagulong ang timba at tabo sa sahig. Napabuntong-hininga si Bb. Evangelista. Inilabas niya ang kaniyang teleponong may kamera at kinunan ng larawan ang tagpo sa silid-aralan at palikurang iyon, at pagkatapos ay nilinis niya
Sa pagbalik ng mga mag-aaral sa silid-aralan nang hapong iyon, kinausap ni Bb. Evangelista ang mga bata. Ipinaalala niya ang pagiging responsable sa kanilang mga kalat. Pinag-usapang muli sa klase ang tamang paggamit ng mga pasilidad.
Nagbigay ng gawain si Bb. Evangelista kung saan kinakailangan nilang pumunta sa silid-aklatan ng paaralan upang magsaliksik. Maayos na pumila ang mga mag-aaral papunta sa silid-aklatan. Sa loob ng silid-aklatan, tahimik na gumawa ang lahat maliban kay Arvin na walang tigil sa paglakad at pagkuha ng mga aklat sa kabinet. Ipinatong niya ang mga ito sa mesa. Ang iba naman ay inilagay niya sa hindi tamang lalagyan ng mga aklat. May ilang aklat din na halatang pinunit ang ibang pahina. Lahat ng ito ay hindi nakaligtas sa paningin ni Bb. Evangelista. Wala siyang sinayang na sandali at kinunan ng larawan ang mga pangyayari.
Dumating ang oras ng uwian nang hapong iyon. Habang naghahanda sa pag-uwi si Arvin, tinawag siya ng kaniyang guro. “Arvin, maaari ba kitang makausap?” tanong ni Bb. Evangelista. “Opo,” sagot ni Arvin. “Nakita ko ang lahat ng ginawa mo kaninasa loob ng silid-aralan. Sa iyong palagay, tama ba ang ginawa mong paggamit doon?” malumanay na wika ni Bb. Evangelista. “Hindi po, Bb. Evangelista. Paumanhin po. Hindi ko na po uulitin,” nakayukong tugon ni Arvin.
Kinabukasan, nagpakita ng isang video clip si Bb. Evangelista. Ito ay tungkol sa isang bata na nakatira sa isang bahay na yari sa pinagtagpi- tagping sako, plastik, at tarpaulin ng ilang politiko at produkto. Mababakas ang kahirapan sa buhay ng pamilya ng bata. Pero makikita ang kamangha- manghang ginagawa ng batang si Christian na maingat na nilalagyan ng
pabalat ang aklat gamit ang supot na pinaglagyan ng binili sa palengke
“Wala po kaming silid-aklatan. Kaya kapag may nagbibigay sa amin ng aklat ay talagang iniingatan namin,” salaysay ni Christian. Ipinikita din sa video ang palikuran ng pamilya na yari sa pinagtagpi- tagping kalawanging yero at sako. Gayunpaman, kapansin-pansin na maayos at malinis ito.
“Napakasuwerte pala namin na may kompletong pasilidadpara sa aming mga pangangailangan. Mula ngayon, gagamitin ko na nang maayos ang lahat ng pasilidad na mayroon kami,” naibulong ni Arvin sa sarili.
Panibagong araw. Namangha si Bb. Evangelista sa kaniyang nakita. Malinis ang palikuran, nakaayos ang mga upuan sa silid- aralan, at nakasalansan nang maayos ang mga aklat sa kabinet. Hindi niya pinalampas ang pagkakataon. Kinuhanan niya ito ng larawan. Inilagay niya ang lahat ng larawan na nakuhanan niya sa kanilang bulletin board. Nagulat ang lahat sa kanilang nakita. Lalo na sa mga katagang nakasulat “Noon, Ngayon, at Araw- Araw,” Nagpalakpakan ang lahat. Ngiting-ngiti na sinulyapan ni Bb. Evangelista si Arvin.
Gabay na mga Tanong:
1.Paano iminulat ni Bb. Evangelista ang mga mag-aaral maayos na paggamit ng mga pasilidad?
2.Kung ikaw si Bb. Evangelista, gagawin mo rin ba ang ginawa niya? Bakit?
3.Paano mo maipakikita ang maayos na paggamit ng mga pasilidad sa iyong paaralan?
4.Bakit mahalaga na maging maayos sa paggamit ng mga pasilidad?
5.Sa paanong paraan mo mahihikayat ang ibang mag-aaral na maging maayos sa paggamit ng pasilidad ng iyong paaralan?