Sagot :
Magkakaiba ang likas na yaman ng
mga rehiyon sa Asya. May malawak na damuhan na mainam pagpastulan ng mga
alagang hayop ang Hilagang Asya bagamat dahil sa tindi ng lamig dito ay
halos walang punong nabubuhay. Ang mga troso mula sa Siberia ang tanging yamang
gubat sa rehiyong ito. Sa yamang pangisdaan, produktong panluwas ng rehiyon ang
caviar (itlog) ng mga sturgeon, ang malalaking isdang likas dito.
Tinatayang pinakamalaki sa mundo ang deposito ng ginto sa Kyrgyzstan,
samantalang ang Tajikistan ay may tatlong uri ng yamang mineral; ang metalikong
mineral tulad ng ginto, mineral na panggatong tulad ng natural gas, at
industriyal na mineral tulad ng phosphate. Pangunahing industriya ng
Turkmenistan ang natural gas, pangalawa sa Russia sa produksyon nito, at
langis, samantalang isa sa mga nagunguna sa produksyon ng ginto sa buong mundo
ang Uzbekistan. Sa mga lambak-ilog at sa mabababang burol ng mga bundok may
produksyon ng pagkaing butil na nakatuon sa pagtatanim ng trigo, palay at barley,
gayundin ng bulak, gulay, tabako, sugar beets, sibuyas, ubas at
mansanas. Sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga hayop tulad ng baka at tupa
nagkakaroon ang mga tao ng lana, karne at gatas.
Sa Timog Silangang Asya,
nasa mga lupain ng Myanmar at Brunei ang malalawak na kagubatan. Tinatayang
nasa 84% ng kagubatan sa Brunei ang nagsisilbing panirahan ng iba’t-ibang uri
ng unggoy, ibon at reptile. Sa kagubatan ng Myanmar matatagpuan ang
pinakamaraming punong teak sa buong mundo, samantalang ang maraming
punong palm at matitigas na kahoy gaya ng apitong, yakal, lauan,
kamagong, ipil, pulang narra, mayapis at iba’t ibang species ng dapo ay
nasa kagubatan ng Pilipinas. Matatagpuan sa mga lambak ng Irrawaddy River at
Sittang River ang pinakamatabang lupa sa Myanmar. Sa Cambodia, ito ay sa
paligid ng Mekong River at Tonle Sap. May iba’t ibang pananim sa rehiyon. Ang
Pilipinas ay isa sa mga bansang nangunguna sa buong daigdig sa produksyon ng
langis ng niyog at kopra. Ang kalabaw, baka, baboy, kabayo, kambing at manok
ang karaniwang inaalagaang hayop sa rehiyon. Sa yamang mineral, malaki ang
deposito ng langis at natural gas sa Indonesia at ang mahigit sa 80% ng
langis sa Timog Silangang Asya ay nanggagaling sa bansang ito, gayundin ang
mahigit sa 35% ng liquefied gas sa buong daigdig. Liquefied gas din
ang pangunahing mineral ng Malaysia habang tanso naman ang sa Pilipinas. Ang
malalaking ilog ay pinagtatayuan ng dam ng ilang mga bansa at nililinang para
sa hydroelectric power na siya namang pinagkukunan ng kuryente.
Ang mga bansang China, North
Korea at Tibet ay mayaman sa depositing mineral. Nasa China ang pinakamalaking
reserba ng antimony, magnesium, at tungsten sa buong daigdig,
gayundin ang reserba ng karbon dito na isa sa mga pinakamalaki sa buong
daigdig. Salat sa yamang mineral ang Japan bagamat nangunguna ang bansang ito
sa industriyalisasyon. Gayunpaman, nagtatanim sila ng mga punong mulberry upang
maging pagkain ng mga silkwork kaya nangunguna ang Japan sa industriya
ng telang sutla. Ang yamang lupa ng Silangang Asya ay matatagpuan sa
iba’t ibang anyo nito, maliban lamang sa mabuhangin o tigang na lupa sa
Mongolia. Sakop ng China ang 7% ng lupa sa buong mundo na maaaring bungkalin at
ito’y pinagtataniman ng iba’t ibang uri ng pananim. Pangunahing pananim nito
ang palay, at siyang nangunguna sa produksiyon nito sa buong mundo. Ang ilang
mga bahagi ng Silangang Asya ay nakatuon din sa pagtatanim at paghahayupan. Sa
China at sa ibang mga bansa ng rehiyon, ang malalaking hayop ay ginagamit din
bilang katulong sa paghahanapbuhay. Ang mga anyong tubig ay nililinang din para
sa kapakinabangan ng mga nakatira rito. 61
Ang Kanlurang
Asya ay sagana sa yamang mineral partikular na sa langis at petrolyo.
Pinakamalaking tagapagluwas ng petrolyo sa buong daigdig ang Saudi Arabia, at
malaki rin ang produksyon ng langis ng mga bansang Iran, Iraq, United Arab
Emirates (UAE), Kuwait, at Oman. Karamihan sa mga bansa ng rehiyong ito ay may natural
gas, tanso, bauxite, potash, zinc, magnesium, phosphate, at iba pa.
Sa agrikultura, nagtatanim ang mga taga-Kanlurang Asya ng trigo at barley sa
mga oasis. Pangunahing produkto sa Iran ang trigo, barley, palay, bulak, mais
tabako, at mga prutas. Nangunguna naman ang Iraq sa produksyon ng dates at
dalandan, ang Israel. Paghahayupan ang karaniwang gawain ng mga taong
naninirahan sa mga lugar na bulubundukin at sa mga disyerto sa Iran, Iraq,
Syria, Saudi Arabia at Turkey.