Sagot :
Alamat ng Bulkang Mayon Buod
Ang buod ng alamat ng Bulkang Mayon ay tungkol sa magkasintahan. Pumanaw sila dahil sa digmaan na dulot ng kasakiman ng isang taong hindi marunong magparaya.
Noong unang panahon, si Rajah Makusog ay biniyayaan ng napakagandang dalaga. Ang pangalan ay Magayon na ibig sabihin sa Tagalog ay maganda. Siya ay dinudumog ng mga manliligaw kahit saang dako pa ng Albay at ng mga karatig bayan.
Isang araw, may isang mangangaso na napadpad sa Albay. Ang pangalan niya ay Gat Malaya. Isa rin siyang anak ng raha sa katagalugan. Makisig, matalino at mabait ang binata subalit mapangahas.
Nagpahinga siya malapit sa batis kung saan madalas maligo si Magayon kasama ng kanyang mga abay. Nabighani ang binata sa angking ganda ni Magayon nang masilayan niya ito.
Dahil mapangahas ang lalake ay agad siyang lumapit at nagpakilala ngunit hindi niya sinabi kung sino siyang talaga. Dumulog si Gat Malaya sa harapan ng amang raha ni Magayon upang maging pormal ang kanyang panliligaw.
Bumilib naman ang ama ni Magayon sa binata sa angking talino at kabaitan nito. Hindi naglaon ay sinagot ni Magayon ang niluluhog na pag-ibig ng binata.
Hindi natuwa si Raha Iriga sa nalaman niya. Si Raha Iriga ay isa sa pinakamasugid na manliligaw ng dalaga. Subalit hindi magustuhan ng dalaga ang raha dahil sa reputasyon nito.
Kilala sa pagiging ganid at malupit ang rahang manliligaw. Sa tuwing dadalaw ito ay laging may dalang mamahaling kuwentas, pulseras o singsing. Hindi iyon madalas tanggapin ni Magayon.
Lumipas ang buwan at pormal na hiningi ni Gat Malaya ang kamay ni Magayon. Sinabi na rin niya ang kanyang tunay na pagkatao. Bagama’t naglihim si Malaya ay hindi iyon naging rason para magalit si Magayon at ama nito.
Naging mabait kasi si Malaya. Lalo lang silang napabilib dahil mapagkumbaba ang binata. Nagpaalam si Malaya na susunduin ang kanyang mga magulang upang maging ganap ang kanyang pamamanhikan.
Nang malaman ng ganid na raha ang pamamanhikan at ang pag-alis ni Gat Malaya ay sinamantala niya iyon. Nilusob niya ang kaharian nina Magayon. Natalo si Raha Makusog dahil hindi sila nakapaghanda.
Nagbanta si Iriga na papatayin si Raha Makusog kung hindi magpapakasal sa kanya si Magayon. Ayaw mang pumayag ni Magayon ay wala siyang ibang pagpipilian.
Ngunit, lingid sa kaalaman ng tusong si Iriga ay nagpadala si Magayon ng mensahero kay Malaya. Pinagmamadali niya ang binata na bumalik sa lalong madaling panahon.
Nang matanggap ang mensahe ay agad na bumalik si Malaya dala ang mga sanlibong kawal at higit pa para bawiin si Magayon at ipaghiganti si Raha Makusog kay Raha Iriga. Naging madugo ang pagbawi sa dalaga.
Marami ang namatay ngunit nanalo sina Malaya. Dahil sa sobrang ganid, sinibat ni Iriga si Magayon habang binibigkas ang mga katagang, “Kung hindi ka rin lang mapapasaakin, hindi ka rin mapupunta kay Gat Malaya."
Agad na dinaluhan ni Malaya ang naghihingalong dalaga. Sinamantala ni Iriga ang paghihinagpis ng binata at pinaulanan ito ng mga pana habang hawak ang dalaga. Nakita ni Raha Makusog ang lahat ng pangyayari kaya’t walang emosyong tinaga niya mula sa likuran si Iriga.
Ang kaharian ni Magayon at Malaya ay naghinagpis sa pagkawala ng dalawa. Inilibing sila malapit sa batis kung saan una silang nagkakilala. Sa paglipas ng panahon, napansin ng mga tao ang paglaki ng puntod ng dalawa.
Hanggang sa naging ganap itong bundok. Subalit isang araw ay sumabog ito at naging bulkan. Sinasabi ng ilan na ang pagsabog nito ay ang nagngangalit na puso ng binata at dalaga sa kapalaran nila.
Ipinangalan ang bulkan sa magandang dalaga ni Raha Makusog dahil sa perpektong hugis at angking ganda ng naturang tanawin. Sa paglipas ng panahon, naging Mayon ang bigkas.
Aral sa Alamat ng Mayon Volcano
Walang mabuting naidudulot ang pagiging ganid sa anumang bagay. Kaya’t matutong magparaya para sa katahimikan ng lahat.