Answer:
Ang Lungsod ng Imus ay ang opisyal na itinalagang kabiserang lungsod ng lalawigan ng Kabite, sa Pilipinas. Opisyal na ginawang lungsod kasunod ng isang reperendum noong 30 Hunyo 2012. Ayon sa kita ng lokal na pamahalaan ng Imus noong 2010, ang dating bayan ay nauri bilang isang unang klaseng bahaging lungsod ng Kabite.[4][5] Ayon sa 2015 senso, ito ay may populasyon na 403,785 sa may 95,234 na kabahayan.
Matatagpuan sa tinatayang 19 km (12 mi) mula sa Kalakhang Maynila, ito ang naging pook ng dalawang pangunahing pagkapanalo ng mga Katipunero noong Himagsikang Pilipino laban sa Espanya. Ang Labanan ng Imus na naganap noong 3 Setyembre 1896, at ang Labanan ng Alapan, noong 28 Mayo 1898, ang araw kung kailan unang ginamit ang watawat ng Pilipinas, na naging dahilan upang itanghal ang Imus bilang "Kabisera ng Watawat ng Pilipinas". Ang dalawang kaganapan ay ipinagdiriwang taon-taon sa lungsod.
Sentro ng relihiyon sa lalawigan ng Kabite ang lungsod sapagkat sa lungsod matatagpuan ang Diyosesis ng Imus, ang Diyosesis na may hawak sa lahat ng mga simbahan sa lalawigan ng Kabite.