Ang Alibughang Anak (mula sa Lucas 15:11-32) Isang mayamang ama ang may dalawang anak. Ang bunsong anak ay nagsabi sa ama ng ganito, "Ama, ibigay mo na sa akin ang aking mana!” Hinati ng ama ang kaniyang kabuhayan at ibinigay ang kalahati sa bunsong anak. Wala siyang magawa sa anak na matigas ang loob. Nang makuha ng bunso ang kaniyang mana, naglayas siya at nagpunta sa malayong lugar. Doon ay ginastos niya nang walang habas sa rangya at luho ang kaniyang mana. Nang maubos ang kaniyang minana, nagkaroon ng taghi- rap sa pinuntahang lugar. Ang bunsong anak ay namasukan bilang tagapakain ng mga baboy. Naranasan niya ang lahat ng hirap. Kung minsan ang tirang pagkain ng baboy ang kinakain niya. Para siyang pulubi. Gusgusin ang damit at walang sapin sa paa. Naalala niya na sa bahay ng kaniyang ama masasarap ang kinakain ng mga alipin. Nagpasiya siya na bumalik sa kaniyang ama. Humingi siya ng tawad. "Ako'y di na karapat-dapat bilang iyong anak. Ama, gawin mo na lang po ako bilang isa sa iyong mga alipin." Subalit inutusan ng ama ang kaniyang mga tagapamahala. “Kumuha ng magandang damit at bihisan ang aking anak. Lagyan ng singsing ang kaniyang daliri. Suotan ng sandalyas ang kaniyang mga paa. Katayin ang pinakamalusog na batang baka. Ipagdiwang natin ang pagdating ng aking anak!” Nang dumating ang panganay na anak mula sa bukid nagtaka siya sa ginagawang paghahanda. Ang sabi niya sa kaniyang ama, “Ako Ama ay hindi sumuway sa mga utos mo. Sa lahat ng pagkakataon pinagsilbihan kita. Kapag nagdiriwang ako mga kaibigan ko, kambing lamang ang ipinakakatay mo. Ngayon na dumating ang anak na naging suwail sa iyo, nagwaldas ng iyong mga ipinamana ipinaghanda mo pa siya nang marangya." Nagpaliwanag ang ama, “Ipinagdiriwang natin ang pagdating ng iyong kapatid dahil namatay na siya at muli pang nabuhay! Nawala na siya ngunit ngayo'y muling nagbalik! Nararapat lamang na tayo ay ay magsaya at magdiwang!”