Ang Wikang Sebwano (Sebwano: Sinugboanon; Kastila: idioma cebuano) ay isang wikang Awstronesyo na sinasalita sa Pilipinas ng humigit kumulang 33 milyong tao at nasa ilalim o kasapi ng pangkat ng mga wikang Bisaya. Ito ang may pinakamalaking bilang ng katutubong mananalita sa Pilipinas, kahit na ito ay hindi pormal na itinuturo sa mga paaralan at mga pamantasan.[2] Ito ang katutubong wika sa Gitnang Kabisayaan at sa ilang bahagi ng Mindanao. Nanggaling ang pangalan ng wika mula sa pulo ng Pilipinas ng Cebu, na hinulapi ng Kastilang -ano (nangangahulugang likas, o isang lugar). May tatlong letrang kodigo ito sa ISO 639-2 na ceb, ngunit walang ISO 639-1 na dalawang letrang kodigo.